Tindang lobo sinilaban ng nag-trip na mga kabataan sa Maynila, nagpapahingang tindero nalapnos

Viral ngayon sa social media ang kawawang lalaki na nagtamo ng mga lapnos sa ulo, braso at katawan nang silaban ang paninda nitong mga lobo ng mga nakatambay na kabataan sa Pandacan, Maynila.

Sa kuha ng CCTV noong Miyerkules, nahagip nito ang nasa tatlong kabataan na lumapit sa kumpol ng mga lobo na nasa gilid ng barangay hall sa Barangay 842.

Mauulinigan sa CCTV na maraming boses ang nag-uusap-usapan, at ilang sandali pa ay bigla na lang sinilaban ng isa sa mga kabataan ang lobo gamit ang lighter at sabay-sabay ang mga ito na nagtakbuhan palayo.

Naulinigan pa sa video na sinabi ng isang kabataan na “sinindihan nga” bago kumaripas ng alis habang nagliliyab ang mga lobo.

Hinala na nag-trip ang mga kabataan at alam ng mga ito na nasa ilalim ng mga lobo ang nagpapahingang tindero na nakilalang si Oliver Rosales.

Mabilis na nalusaw ang mga hawak pa sa tali na panindang lobo ng biktima dahil gawa lamang ang mga iyon sa plastic at dumikit ang mga ito sa kanyang braso, ulo at iba pang parte ng katawan.

Napuno ng lapnos ang biktima na umabot sa second degree burns.

Sa pahayag naman ng opisyal ng barangay, nasa pito umano ang kabataang sangkot sa pagsisilab sa paninda na sumunog din sa tindero nito.

Ang pitong suspek ay pawang nakilala na umano, kung saan lima rito ay mga menor de edad.

Nagharap na rin umano ang biktima at mga suspek sa barangay at sa kabila ng kalupitang sinapit sa kamay ng mga kabataan ay pinatawad pa rin ang mga ito ng una.

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published.