‘Parasite’, Best Picture; Joaquin Phoenix, Best Actor; Renée Zellweger, Best Actress; Brad Pitt, Best Supporting Actor sa Oscars

Nakamit ng pelikulang “Parasite” ng bansang South Korea ang Best Picture sa katatapos lang na 92nd Academy Awards o mas kilala bilang The Oscars na ginanap sa Los Angeles.

Nakuha rin ng nasabing black comedy thriller film ang Best Original Screenplay, Best Foreign Language Film, at Best Director para kay Bong Joon-ho.

Tinalo nito ang mga bigatin ding contender gaya ng American epic crime film na “The Irishman,” drama film na “Marriage Story,” psychological thriller film na “Joker,” at epic war film na “1917.”

Nasa 10 ang nominasyon ng pelikulang “1917” ngunit tatlo lamang ang nasungkit nito kabilang ang Best Cinematography, Sound Mixing, at Visual Effects.

Dalawa naman ang nakuha ng pelikulang “Joker” – ang Best Original Music Score, at Best Actor para kay Joaquin Phoenix.

Kabilang naman sa ginawaran ng Oscar trophy bilang best supporting actor ay ang “Hollywood heartthrob” na si Brad Pitt. Ito ang unang Oscar acting award ng 56-year old actor para sa comedy-drama film na “Once upon a Time … in Hollywood,” bagama’t noong 2013 ay nanalo na rin ito bilang producer ng “12 Years a Slave.”

“This is for my kids, who color everything I do.

I adore you,” bahagi ng acceptance speech ni Pitt na dating asawa ng Hollywood star na si Angelina Jolie.

Ilan pa sa mga nagwagi ay ang “Toy Story 4” na Best Animated Feature Film; sports drama film na “Ford vs Ferrari” na Best Sound and Film Editing; Best Original Song ang “(I’m Gonna) Love Me Again” ni Elton John; Best Actress si Renée Zellweger sa biographical drama film na “Judy.”

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *