Tribute kay Kobe at Gianna: No. 2 at 24 isusuot ng NBA All-Stars

May nakalaang tribute ang National Basketball Association (NBA) All-Star Game kay Los Angeles Lakers legend Kobe Bryant at anak nitong si Gianna, maging sa lahat ng nasawi sa helicopter crash noong Linggo, Enero 26, 2020.

Sa Pebrero 16 sa Chicago, lahat ng player ng Team LeBron na pinamumunuan ni LeBron James ng Lakers ay magsusuot ng Number 2 bilang pagpupugay sa 13 anyos na si Gianna Bryant, na isinuot ang nasabing numero sa youth league games.

Magsusuot naman ang Team Giannis, na captain si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks ng Number 24, isa sa dalawang numerong isinuot ni Kobe Bryant sa kanyang buong kasaysayan sa NBA.

Ang dalawang team ay magsusuot ng jersey na may siyam na bituin na kumakatawan sa siyam na biktima ng helicopter crash sa Calabasas, California.

Sa Rising Stars game sa Pebrero 14, lahat ng manlalaro ay magsusuot ng patch na may bilang 2 at 24 na napapalibutan ng 9 na bituin.

Isusuot muli ang nasabing patch sa Pebrero 15 skills challenge, 3-point shooting contest at dunk contest.

Ang nine-star patches ay kumakatawan kina Kobe at Gianna Bryant, gayundin kina John, Keri at Alyssa Altobelli, Sarah at Payton Chester, Christina Mauser at Ara Zobayan, na pawang papunta sa youth basketball game bago nangyari ang sakuna na sinasabing dahil sa maulap na kalangitan.

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published.