Operating hours ng MRT-3 ‘di palalawigin ngayong Christmas season

Hindi palalawigin ang operating hours ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong Christmas season.

Inihayag ito ng Department of Transportation (DOTr-MRT3) na huwag na munang palawigin ang oras ng kanilang operasyon ngayong panahon ng Kapaskuhan, upang bigyang-daan ang full blast rail replacement activities na isasagawa nito ngayong ‘ber months.’

Sa ipinalabas na kalatas, sinabi ng DOTr-MRT3 na kailangan nila ng sapat na oras at panahon para maisaayos ang mga sira-sira at baku-bako nilang linya kaya’t sa halip na palawigin ang kanilang biyahe tulad ng nakagawian kapag magpa-Pasko, ay gagawin na lamang nilang puspusan ang pagpapalit ng kanilang mga riles.

Ipinaliwanag ng DOTr-MRT3 na ngayong Oktubre ay sisimulan na nila ang pagwe-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang long-welded rail (LWR) na may habang 180 metro.

Pagkatapos umano nito ay ilalatag na ang mga naturang LWRs sa rail tracks.

“Maglalaan po muna tayo ng sapat na oras at panahon para sa rail replacement in the last three months of this year. Masyado na pong sira-sira at baku-bako ang ating mga riles kaya kinakailangan na po talaga itong mapalitan sa lalong madaling panahon. ‘Yan po ang direksyon na napagkasunduang pinakamainam matapos po ang aming koordinasyon, at ayon na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Sumitomo at Mitsubishi Heavy Industries,” paliwanag ni Michael Capati, ang Director for Operations ng MRT-3.

Dagdag pa ni Capati, ang pagpapalit at pagsasaayos ng riles ng MRT-3 ay hindi lamang makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng aberya sa buong linya.

Aniya, sa pamamagitan nito ay magiging mas mabilis din ang takbo ng mga tren dahilan upang mapaiksi ang headway o waiting time, at madoble ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng MRT-3.

“Oras po na mapalitan na lahat ng bago ang ating mga riles, sinisigurado po namin na mas magiging maayos at mabilis ang aming serbisyo. Mas bibilis po ang takbo ng ating mga tren, mas magiging maikli po ang paghihintay ng ating mga pasahero, at madodoble din po natin ang ating passenger capacity. ‘Yan po ang regalong nais naming maihandog sa aming mga pasahero hindi lang ngayong Pasko, ngunit sa napakarami pang paskong darating,” dagdag pa ni Capati.

Nabatid na ang pagpapalit ng riles ay gagawin tuwing non-revenue hours o mga oras na walang biyahe ang MRT-3, mula 11:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling-araw, at target nilang makumpleto ito sa Pebrero 2021.

Hinihiling naman ng ahensya sa publiko ang buong suporta at pang-unawa sa kanilang desisyon habang patuloy ang malawakang rehabilitasyon ng linya upang maisakatuparan ang pangakong maibalik sa dating kalidad ang MRT-3.

Ang MRT-3 na nakakapagsakay ng may 300,000 pasahero araw-araw, ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *