Tugade may interes ba sa PCG?

Sa kabila na marami nang nauulat na anomalyang nagaganap sa Philippine Coast Guard (PCG) malakas pa rin ang kasalukuyang namumuno dito dahil hindi siya natitinag.

Parang masyadong malakas yata ang mga namumuno riyan sa isang mataas na opisyal ng gobyerno at hindi sila matinag sa pagkakalat ng lagim at katiwalian.

Kaduda-dudang ang malaking pondo o capital outlay funds na inilaan ng Department of Transportation nitong taon maski pa nag-underspending ang ahensiya noong 2016 at 2017.

Sa halip na ini-a-adjust nga ang budget para bumaba dahil hindi nagagamit, eh bakit dinagdagan pa?

Mukhang may naaamoy tayong kaganapan dyan na tila pinagtatakpan.

Ito rin kaya ang dahilan kung bakit paulit-ulit na inirerekomenda ni Sec. Arthur Tugade ang kasalukuyang pinuno nito na maski na pinabalik ng Malacañang dahil kailangan ay tatlong pangalan ang dapat kasama sa shortlist na irekomenda para may pagpilian, pero talaga namang loyal ang lolo Tugade ninyo at iisa lang sa puso niya ang pilit niyang inirerekomenda maski pa marami naman dyan ang may kakayahang mamuno sa Coast Guard.

Hindi pa rin nakakalimutan ng taumbayan ‘yung kontrobersiya sa promotion ng mga officers noong nagdaang taon kung saan nagulat ang mga miyembro ng Board of Senior Officers (BOSO) dahil ang mga naaprubahan na i-promote sa kapitan ay ‘yung mga pangalan ng opisyal na wala naman sa pinagkasunduan nila sa BOSO resolution.

Ang mga na-promote ay ‘yung mga wala sa shortlist at kawawa naman ‘yung mga nasa shortlist dahil naglahong parang bula ang kanilang pangalan at hindi nga nai-promote.

Hindi rin natin nakakalimutan ang isa pang anomalya…. tungkol sa coastal oil spill clean-up noon pang panahon ni Pres. Arroyo.

Aba’y ang laki rin ng kinita nila diyan at may mga dokumentong nagpapatunay niyan.

Sana silipin naman ng kasalukuyang administration partikular ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nangyayaring katiwalian sa coast guard.

Alam naman natin na ayaw ng Pangulo ang kurupsiyon at isa ito sa kanyang pangunahing agenda, ang pagsugpo sa nagaganap na katiwalian sa gobyerno.

Mahalaga na ang nakaluklok sa sangay ng gobyernong ito ay talagang yaong mga karapat dapat at hindi yaong pinulot lang sa kangkungan na ang layunin ay samantalahin ang pondo ng ahensiya.

Kalampagin natin ang mga kinauukulan at imbestigahan na ang mga abusadong may kapangyarihan.

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *