Bangayan sa budget insertions makatarungan ba?

Napapaghalata na ang pagiging ‘suwapang’ at ‘gahaman’ sa pera ang ilang opisyal ng gobyerno, kaya nagkakagulo sa kontrobersiyal na ‘pork barrel’.

Nagkakagulo at nag-aaway-away na ang Budget Secretary Benjamin Diokno at mga kongresista sa pangunguna ni House Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr., dahil sa mga insertions sa panukalang 2019 national budget.

Si Diokno ay ipinatawag sa Kamara at dinikdik ito ni Andaya sa idinaos na ‘Question Hour” nitong Miyerkoles kaugnay sa pinasok ng kalihim na P75 bilyon insertion o pork barrel sa national budget na siya lamang umano ang nakakaalam sa pagkontrol sa savings na hindi daw alam ni Pangulong Rodgrigo Duterte.

Kasunod nito, mabilis na pinagtibay ng mga kongresista sa pamamagitan ng ‘viva voce voting”’ ang House Resolution 2365 o Resolution na humihikayat sa Office of the President na ikonsidera ang pagsibak kay Diokno, bilang budget secretary dahil sa resulta ng Question Hour na tila lumalabas may itinatago si Diokno kay Duterte.

Nag-ugat ang kaguluhan sa insertion matapos na ibulgar kamakailan ni Senator Panfilo Lacson ang multi-million insertions sa 2019 national budget ng mga kongresista particular kina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at ni Andaya at iba pang matataas na opisyal sa nasabing kapulungan ng kongreso na pinalagan nila hanggang lumawak na ito at umabot na sa Malacanang.

Bilang mga opisyal ng gobyerno, hindi sila nakakatuwa na pagmasdan habang nagbabangayan at nagkakagalit-galit ngayon sa kanilang mga insertions habang ang mahirap na si Juan dela Cruz na nagbabayad ng tamang buwis para magkaroon ng gastusin ang gobyerno ay naghihirap.

Parang nakakahiya naman sa ating mga opisyal ng gobyerno, dahil habang halos hindi na makabili ng kanilang mga pangangailangan o ang iba ay isang beses na lang kumain sa isang araw dahil sa kaliwa’t kanang pagtaas ng buwis, walang tigil na pagtaas ng bilihin, pasahe para mapunan lamang ang kinakailangang budget, heto ngayon nagkakagulo sila para sa kanilang “hati”? Kanilang sinasabi na ito’y para sa kanilang mga proyekto sa kani-kanilang lugar.

Nakakapagtaka rin minsan, kasi ang halos taun-taon ang mga kongresista, senador ay mayroong nakalaang pondo para sa kanilang lugar ,pero makikita mo, hindi naman nagbabago ang kalagayan ng kanilang lugar.

Saan ngayon napupunta ang budget na ito? Kagaya ni Arroyo, siyam na taon siyang naging presidente ng bansa subalit hindi pa nito lubusang napaayos ang sitwasyon sa kanilang lugar.

Di ba ipinagbabawal na sa batas ang insertion o pork barrel para sa ating mga mambabatas at dapat ipauubaya na lamang ito sa mga ahensya na nagpapatupad ng mga proyeto. Pero wala silang kadala-dala halos taun taon nagiging usapin pa rin ang pork barrel na itinuturing na labag sa batas, na sila rin ang gumawa nito pero sila rin ang lumalabag. Lumalabas tuloy na kaya kumakandidato ang  ating mga pulitiko hindi para makapagsilbi sa bayan, kundi ang makapagbulsa ng pondo ng bayan.

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *