Operasyon ng PTIX palpak!!

Parang bangungot para sa mga taga-Cavite ang ipinagmamalaki ng administration na Paranaque Integrated Terminal Exchange (PTIX) project dahil sa dala nitong perwisyo, abala at pahirap sa mga pasahero na nagmumula sa Southern Luzon partikular ang mga galing ng Batangas at Cavite.

Tila naging papeteks-peteks lang ang mga opisyal ng gobyerno sa proyektong ito. Mula kasi nang pasinayaan at buksan ito ni President Rodrigo Duterte nitong November 5, 2018, hinaharang na ng mga traffic enforcers sa may NAIA Rd., Paranaque ang mga bus na patungong Baclaran at Lawton at itinataboy ang mga ito na dumaan ng PTIX para doon na magbaba ng mga pasahero na bumababa sa coastal area.

Gayunpaman, pagdating sa PTIX walang naghinhintay na jeepneys o bus o anumang masasakyan at kung meron man iilan lamang, na siyang magdadala sa mga pasahero patungo sa mga lugar na kanilang pupuntahan.

Araw-araw, daang libong pasahero ang kanilang inaabala partikular ang mga estudyante at empleyado na na nale-late na sa kanilang mga klase at opisina.. Pag-uwian naman sa hapon, pahirap muli, nahihilo na ang mga pasahero kung saan sasakay papuntang PTIX dahil wala naman silang masakyan mula Baclaran o mula sa lugar na kanilang pinanggagalingan para makasakay at makauwi.

Pagod na nga sila sa trabaho at pag-aaral, mapapagod pa sila sa paghahanp ng masakyan papuntang PTIX. Okey lang sana kung malapit lang sa mga sakayan ang PTIX, eh, nasa isolated area ito, na matatagpuan sa may coastal road sa bahagi pa ng Dungalo, Paranaque, ang layo-layo hindi mo naman puwedeng lakarin.

Minsan pagdating mo sa PTIX wala ring masakyan. Ipinagmamalaki ng Department of Transportation (DORr) ang PTIX bilang kauna-unahan ‘landport’ sa bansa na magseserbisyo sa mga provincial at in-city transport transfers sa pagitan ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Maganda sana ang proyektong ito dahil malaki talaga ang kabawasan sa trapik sa Metro Manila subalit kulang sa plano.

Sinasabi na ito’y flagship project sa ilalim ng Build, Build, Build infrastructure program, ng Duterte administration, subalit tila mga inutil ang mga opisyal na siyang responsable sa pagpapatupad ng proyektong ito.

Tila minadali at walang kongretong plano at paghahanda partikular ang mga opisyal ng DoTr, Land Trasportation Franchising Regulation Board (LTFRB) bago ito binuksan kaya sa halip na kaginhawaan ang dulot nito sa mga pasahero mula sa Cavite at Batangas ay perwesyo at tensyon.

Bago sana ito binuksan,inayos ang magiging epekto at kapakanan ng mga pasahero. Dapat plantsado na mayroon silang masasakyan mula PTIX at papuntang PTIX.

Dapat naglagay sila ng terminal o waiting area para sa mga pasahero kung saan sila pupunta para makasakay sa landport. Nagkaroon man lang sana sila ng konsiderasyon para sa mga pasahero na gumigising ng alas-3:00 ng madaling araw para hindi ma-late sa trabaho o klase tapos pagdating ng PTIX . DOTr, LTFRB, Malacañang at MMDA, pakiayos naman yang problema na yan.

Please follow and like us:

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *