Bawas presyo sa bilihin at baba pasahe makatwiran

Dala ng limang sunud-sunod na pagpapatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo sa bansa, itinutulak ngayon ng ilang grupo na maibaba ang presyo ng pasahe at bilihin.

Nanguna ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa paghahain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB na ibalik sa P8.00 ang pasahe sa jeep dahil nga sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ikinatuwiran ng grupo ang pagsuspende sa nakatakdang dagdag-buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law at ang pahayag ng transportation department na huwag munang ituloy ang fare hike.

Sa kabilang dako, umapela rin ang grupong Laban Konsumer sa Department of Trade and Industry (DTI) na puwersahin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na bawasan ang presyo ng kanilang mga produkto kasunod ng mga isinagawang rollback sa presyo ng langis.

May katwiran at nararapat lamang ang nasabing mga panawagan dahil sa sobrang hirap na ngayong naramdaman ng mga mamamayan lalo na ang mga mahihirap.

Dahil sa pagtaasan ng presyo ng mga bilihin dala ng TRAIN at pagtaas ng presyo ng langis sa bansa, nagiging priority na lamang ng mga tao ay makabili ng bigas at ulam na maihahain nila sa kanilang lamesa at isinasantabi na ang mga hindi mahalagang bagay para sa kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Sakaling tapyasan ang presyo ng mga bilihin at bawasan ang pasahe, malaking bagay ito para sa ordinaryong mga mamamayan upang ang kanilang matitipid ay ipandagdag sa kanilang gastusin.

Kapansin-pansin ngayon sa mga groceries at department stores na wala na halos namimili kumpara sa mga nakalipas na taon, dalawang buwan pa bago mag-Pasko ay dagsaan na ang mga mamimili o shoppers para mamili na ng kanilang mga panregalo.

Ngayon kahit ibagsak ng hanggang 70-90% ang presyo ng mga bilihin gaya ng mga damit, sapatos, laruan at iba pang mga panregalo , hindi ito pinapansin ng mga mamimili.

Sa groceries naman, hindi na rin sila namimili ng extra na stock kundi para lamang sa kakasyang suplay para naman sa susunod na suweldo. Ito ay nagkakaroon din ng masamang epekto sa panig ng ating mga negosyante lalo na sa mga maliliit dahil hindi rin nabibili ang kanilang mga paninda na hindi naman mahalaga para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ay makakasama rin sa ating ekonomiya dahil maraming magsasarang maliliit na negosyo, tataas ang unemployment rate at marami pang iba. Kaya mahalaga na mapakinggan ang nasabing panawagan na tapyas-presyo sa mga bilihin at sa pasahe upang makaluwag-luwag naman sa mga mamamayan lalo ngayong nalalapit na Pasko para lahat ay masaya!

Please follow and like us: